Narito na ang "Taludtod Umaatungal, Linyang Aangal," isang koleksyon ng mga tula na naglalaman ng masinsinang pagninilay sa mga saloobin, lalung-lalo na pagdating sa pag-ibig at poot. Ito ay inedit ko ng may pag-iingat at baka kako masyado itong makapanakit o makapagbigay ng ligaya sa mambabasa. Ang aklat na ito ay ang unang bahagi lamang ng Call for Submissions o CFS na "Poems of Love and Hate" na inyong sinalihan. Iyon bagang mga tula na nasa malayang taludturan o free verse lamang. Ang ibang mga bahagi ng CFS ay ilalathala rin sa hiwalay na aklat.
Sa aklat na ito, lalahok tayo sa isang malalim at makahulugang paglalakbay sa mundo ng puso at isipan ng tao. Mula sa mga saloobin ng pag-ibig hanggang sa mga damdaming puno ng poot, magbibigay-daan ang mga tula sa atin upang lubusang maunawaan ang mga damdamin at ang emosyonal na kalakaran ng buhay. Tuklasin natin ang ganda ng mga taludtod, linya at salita sa koleksyong ito, at nawa'y maranasan ng lahat ang kapangyarihan ng pagsusulat.
Nais kong pasalamatan ang mga contributor na nagbahagi ng kanilang mga tula, sapagkat ang kanilang mga gawang-sining ay siksik sa kariktan upang maging makabuluhan ang aklat na ito. Salamat din sa lahat ng mga sumali sa CFS na "Poems of Love and Hate," ang inyong pagsali ay nagbigay-daan upang malikha at maisama sa aklat ang mga tula sa "Taludtod Umaatungal, Linyang Aangal." Ang inyong suporta at paglahok sa pagtitipon ng mga tula ay malaking bahagi sa tagumpay ng pagsasakatuparan ng proyektong ito.
Muli, patawad po sa abala at may katagalang paghihintay. Sana’y malugod ninyong tanggapin ang katipunang ito at tangkilikin ang iba pang mga nalalapit na proyekto.
Mabuhay ang mga Makabagong Makata!
W. J. Manares, patnugot (editor)